Iliryo: Sa Pagitan ng Lambat at Lawa

by Chynx Efrheim Bilaw
Alas-kwatro ng umaga, araw ng Lunes. Inihahanda na ni Kuya Robin ang kanyang mga gamit: lambat, gwantes, at ang pabaon ng kanyang asawa na pandesal na may palamang liver spread. Nag-motor kami patungo sa pondohan kung saan nakadaong ang kanyang bangka. Kasagsagan noon ng gulo sa pagitan ng US, Israel, at Iran, kaya naman ang presyo ng diesel ay pumapalo na sa 130 pesos kada litro.
Alas-singko ng umaga. Kasabay naming pumalaot ang ilang mangingisda patungong Napindan Channel at sa bukana ng Laguna de Bay. May mga nakasalubong din kaming pabalik na. Kuwento ni Kuya Robin, alas-dose pa lang ng madaling-araw ay nasa tubig na ang mga ito. Habang binabagtas namin ang Napindan, tanaw ang mga residenteng nagsisimula na rin sa kanilang araw. May mga nagtatanim ng kangkong at talbos ng kamote, habang ang iba naman ay abala sa pagdedeliber ng melon dahil panahon ngayon ng anihan. May bahagi ring tila walang katapusan ang hanay ng mga nag-aalaga ng bibe at itik na siyang pangunahing kabuhayan dito.
Alas-sais na nang marating namin ang pagitan ng Napindan Channel at Laguna de Bay. Nakasalubong namin ang mga mangingisdang abala sa paghahagis ng lambat, at ang mga baklad na tila nag-aani na ng mga tilapia. Sa paligid, mapagmamasdan ang tubig na kulay-berde, dulot ito ng high tide, mga nagkalat na iliryo, at putik. Naghanap kami ng mapupwestuhan ni Kuya Robin para magbato ng lambat, baon ang tahimik na dasal na sana ay swertehin kami sa unang bitaw.
Ang pangkontrol sa motor ng bangka ay nakakabit sa paa ni Kuya Robin para mamani-obra ang direksyon nito. Para kaming buhawi sa umagang iyon: umiikot habang ibinabato ang lambat, tinatambangan ang mga tilapia para mahuli. Pagkabato ng lambat, agad tumayo si Kuya Robin at kinuha ang mahabang kawayan. Paulit-ulit at paikut-ikot niyang sinisibat ang tubig, kaliwa’t kanan, para mabulabog ang mga isda. Bumalik kami kung saan unang inihulog ang lambat, tila dahan-dahang hinahabi ang ugnayan ng sinulid at lawa. Sa unang hila, isang maliit na tilapia ang sumalubong sa amin.
Pumatak ang alas-syete. Maririnig ang walang sawang tibok ng makina ng bangka habang lumalapat na sa aming balat ang sikat ng araw. Palipat-lipat kami ng pwesto, umaasang sa susunod na hinto ay makakuha kami ng sapat na huli. Pangatlong ikot na namin ito pero mailap ang mga isda; hindi pa lumalagpas sa bilang ng aking mga daliri ang aming nakukuha. "Panginoon, gabayan Niyo po kami sa umagang ito," bulong ko sa sarili.
Lumayo pa kami nang kaunti. Umaasang mas makakarami, hindi na namin ininda ang lakas ng alon. Sa aming pagbabakasakali, nakahuli rin kami ng mahigit dalawampung tilapia. Iniladlad ni Kuya Robin ang lambat at panandalian itong iniwan sa tubig. Babalik muna kami sa pampang para magpahinga at ibenta ang mga naunang huli. Tumungo kami sa ilalim ng tulay kung saan nakadaong ang ibang mga bangka. Habang ang iba ay nagbababa ng banye-banyerang isda, kami naman ay isa-isang sinisimot ang mga tilapiang pumapalag pa sa sahig ng bangka.
Alas-otso na nang makarating kami sa talipapa. Naibenta ang dalawampung pirasong isda sa halagang dalawang daang piso. Mahaba pa ang araw; kailangan pang kumayod ni Kuya Robin ng anim hanggang walong oras para magkaroon ng sapat na kitang pantustos sa gastusin ng kanyang pamilya.



